[ Quote ]

ISANG LINGGONG PAG-IBIG

ISANG LINGGONG PAG-IBIG
(Sa pagkakataong ito ang nilikha kong tula ay tinatawag na "Tanaga." Ang Tanaga ay binubuo ng apat (4) na taludtod at pitong (7) bilang o pantig kada taludtod.)


Pagsuyong isang linggo
Ang nadama sa iyo,
Akala ko'y totoo,
Ba't ako'y iniwan mo?


LUNES
Lunes, ang unang araw,
Nakilala ko'y ikaw,
Binighani mo agad
At puso ko'y binihag.


MARTES
At ngayon ay sumapit
Yaring araw ng Martes,
Sarili'y nailapit
Sa tulad mong kayrikit.


MIYERKULES
Araw ng Miyerkules,
Nagtapat ng pag-ibig,
Anong tuwa't nakamit
Ang "oo" mong kaytamis.


HUWEBES
Huwebes ay sumapit,
Saksi giliw ang langit
Sa sumpang ang pag-ibig
Ay hindi mawawaglit.


BIYERNES
Nang Biyernes o hirang
Sa Luneta'y namasyal,
At nang ika'y halikan,
Nagpaubaya ka lang.


SABADO
Sabado'y nag-awitan
Kalulwa nating uhaw
Pagkat pinagsaluhan
Ang pag-ibig na tunay.


LINGGO
Ngayon ay tumatangis
Pagkat ika'y umalis,
Isang linggong pag-ibig
Ang dulot mong kaypait!



Danny - 10/03/2015
by Danny Gallardo ©2015
All contain are from original Author
Any Production/copywriting without consent is prohibited

ANG PAMAGAT AY MATATAGPUAN SA PAGBUO NG SALITA NA ISANG LETRA SA BAWAT STANZA

ANG PAMAGAT AY MATATAGPUAN SA PAGBUO NG SALITA NA ISANG LETRA SA BAWAT STANZA


Sapagkat tulad mo’y mayuming bulaklak
Na ang kaanyuan ay namumukadkad,
Ang samyo mo’t bango’y humahalimuyak
Sa hardin ng diwa na sadyang matingkad.

Ibig kong habihin ang tulang-pagliyag
Upang ialay ko sa magandang dilag,
At sa balintatataw ako’y aapuhap
Ng mga taludtod na sadyang marilag.

Ewan ba kung bakit hinahanap-hanap
Ang iyong kariktang wala nang katulad?
Ika’y inspirasyon ng aking panulat,
Ang guniguni ko ay pinapalawak.

Rosas na marikit ibig kong ihayag
Ang mga ideya ng aking hinagap,
Nagiging makulay ang sandali’t oras
Dahil sa tulad mong matingkad na rosas.

Ramdam ng puso kong dalisay at wagas
Ang kalooban mo at maging sa labas,
Ikaw ay ang taong ang personalidad
Ay kahanga-hanga’t ang puso ay tapat.

Ang iyong karikta’y walang pagkawakas,
Walang pagkaluoy ang ganda mo’t rilag,
Ikaw ang pupuno ng aking pangarap
Patungo sa isang makulay na bukas…


- Danny 09/09/2015


(Author's Note: Gumamit lamang ako ng iisang tugma sa bawat taludtod sa buong kabuuan ng tula. Bihirang makata ang gumagawa nito. Kailangang malawak ang bokabularyo ng isang makata upang makabuo ng iisang tugmaan mula sa simula hanggang sa wakas ng isang tula..)

by Danny Gallardo ©2015
All contain are from original Author
Any Production/copywriting without consent is prohibited

Comment Section

Back to Top

Comment down below using your Facebook account. Don't Hesitate to contact me anytime, you can visit my other social media account to Learn more about Me.