[ Quote ]

SA ‘YO UMIIKOT ITONG AKING MUNDO

SA ‘YO UMIIKOT ITONG AKING MUNDO
ni Danny Gallardo


Ilang tula pa ang aking hahabihin
Upang mabihag ko ang iyong puso?
Ilang aklat pa ang aking susulatin
Upang maabot ko ang iyong pagsuyo?


Ilang dagat pa ang aking lalanguyin
Upang matupad mo ang iyong pangako?
Ilang bundok pa ang aking aakyatin
Upang marinig mo ang aking pagsamo?


Ilang luha pa ang aking luluhain
Upang maantig ko ang puso mong bato?
Ilang landas pa ang aking tatahakin
Upang maabot ko ang isang tulad mo?


Ilang pasakit pa ang aking dadamhin
Upang maawa ka sa isang tulad ko?
Ilang awit pa ang aking aawitin
Upang makaalpas sa mga siphayo?


Ilang pangarap pa yaring bubuuin
Nang aking makamit matamis mong “oo”?
Ilang pagsuyo pa ang aking gagawin
Nang aking matamo ang pamimintuho?


Subalit kahit na ganyan ka sa akin
Ay hangad ko pa ring ikaw ay magbago.
Dapat na malaman ng iyong sagimsim -
Sa ‘yo umiikot itong aking mundo.

Danny - 10/05/2015

by Danny Gallardo ©2015
All contain are from original Author
Any Production/copywriting without consent is prohibited

Comment Section

Back to Top

Comment down below using your Facebook account. Don't Hesitate to contact me anytime, you can visit my other social media account to Learn more about Me.