[ Quote ]

MASAWI MAN AKO (Tula para kay Danny Gallardo)

MASAWI MAN AKO (Tula para kay Danny Gallardo)

(Akala ko ako lang ang tutula. Mali pala. Dahil may tumula din sa akin na nagtago sa pangalang Miss Anonymous. Ito ay nalathala sa isang pahayagan noon. At ito ay pinamagatan niyang MASAWI MAN AKO. Mapapansin na si Miss Anonymous ay isang poetess sapagkat may tugmaan ang kanyang mga taludtod at sakto ang ang kanyang sukat. Gumamit siya ng labindalawahing sukat.)



MASAWI MAN AKO
(Tula para kay Danny Gallardo)
ni Miss Anonymous


Ano na ba itong nararamdaman ko?
Umiibig ako sa isang tulad mo,
Di man nakikita'y binihag mo ako
Nang aking mabasa ang iyong soneto.


Ang iyong sonetong oo't inaalay
Sa ibang babaing mahal mo sa buhay,
Kahit mayroon kang ibang minamahal,
Tibok ba ng puso'y aking pipigilan?


Sabihin man nilang ako ay isang "cheap"
Na sa iyo Danny ay humangang labis,
Ngunit masama bang ang laman ng dibdib
Ay isiwalat kong kita'y iniibig?


Marahil masama kung ang nadarama
Ay di ipagtapat sa mahal mong sinta,
Pa'no na ang pusong sadyang kumakaba
Kapag itatago na lang sa tuwina.


Pagkat di ko kayang itago lang ito
Kung kaya't tumula ang puso ko sa 'yo,
Kahit do mo pansin ang nadarama ko,
Mamahalin kita... MASAWI MAN AKO!


- Miss Anonymous


(Ito ay nung panahong lumikha tayo ng pangalan sa larangan ng panitik at panulaan. Nagkaroon tayo ng fan base sa iba't ibang panig ng kapuluan. At isa na dyan si Miss Anonymous. Sa sobrang dami ng sumulat sa akin noon ay di ko na nareplayan ang lahat, bagama't ang iba ay nareplayan natin. Sa panulatan na aking tinahak noon ay isa lamang tayong lawin. Kaya nahinto tayo. Subalit ngayon ang lawin ay muling magbabalik. Sapagkat nag-ipon lang siya ng lakas. At sa pagbabalik ng lawin ay di na siya lawin. Oo, sapagkat ngayon ay isa na siyang Agila. At sa muling pagbabalik ng LAWIN, AGILA ang babalik...)

Danny - 10/03/2015
by Danny Gallardo ©2015
All contain are from original Author
Any Production/copywriting without consent is prohibited

Comment Section

Back to Top

Comment down below using your Facebook account. Don't Hesitate to contact me anytime, you can visit my other social media account to Learn more about Me.