[ Quote ]

PAGHAHABI NG TALUDTOD

PAGHAHABI NG TALUDTOD
ni Danny Gallardo


Hayaan mong
Habihin kong may laya sa aking hinagap
Ang mga taludtod
Na nagbibigay kulay sa bigong pangarap,
Hayaan mong
Bigyang tingkad at kulay ng aking panulat
Ang mga ideyang
Sa guniguni ko ay nagpapamulat.


Hayaan mong
Bigyang laya’t buhaying muli sa aking panaginip
Ang mga guniguning
Nagpapagunita sa diwa ko’t isip,
Tila isang
Bagong nilalang na sadyang nagpupumilit
Na mailuwal
At masilayan ang tingkad ng daigdig.


Hayaan mong
Sa anyo ng buhay ay aking malikha
Ang obra-maestrang
Sadyang iginuhit ng muni ko’t diwa,
Hayaan mong
Sa balintataw ko ay mabuo na kusa
Ang paghahabi
Ng mga taludtod ng isang makata.


Danny - 10/03/2015
by Danny Gallardo ©2015
All contain are from original Author
Any Production/copywriting without consent is prohibited

Comment Section

Back to Top

Comment down below using your Facebook account. Don't Hesitate to contact me anytime, you can visit my other social media account to Learn more about Me.